Florante at Laura 
ni Francisco Balagtas 

Kay Selya

1
Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Selyang namugad sa dibdib


2
Yaong Selyang laging pinanganganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan;
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.


3
Makaligtaan ko kayang di basahin,
nagdaang panahon ng suyuan namin?
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?


4
Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang matira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.


5

Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho'y inaalaala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.


6
Sa larawang guhit ng sa sintang pinsel,
kusang inilimbag sa puso't panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin,
at di mananakaw magpahanggang libing.


7
Ang kaluluwa ko'y kusang dumadalaw
sa lansanga't nayong iyong niyapakan;
sa ilog Beata't Hilom na mababaw,
yaring aking puso'y laging lumiligaw.


8
Di mamakailang mupo ang panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin;
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta'y aking inaaliw.


9
Ang katauhan ko'y kusang nagtatalik
sa buntunghininga nang ikaw'y may sakit,
himutok ko noo'y inaaring langit,
paraiso naman ang may-tulong silid.


10
Nililigaw ko ang iyong larawan
sa Makatang Ilog na kinalagian;
binabakas ko rin sa masayang do'ngan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.


11
Nagbabalik mandi't parang hinahanap
dito ang panahong masayang lumipas:
na kung maliligo'y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.


12

Parang naririnig ang lagi mong wika
"Tatlong araw na di nagtatanaw-tama,"
at sinasagot ko ng sabing may tuwa
"Sa isa katao'y marami ang handa."


13
Anupa nga't walang di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas;
sa kagugunita, luha'y lalagaslas,
sabay ang taghoy kong "O, nasawing palad!"


14
Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami'y bakit di lumawig?
nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwa't langit?


15
Bakit baga noong kami'y maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay?
kung gunitain ka'y aking kamatayan,
sa puso ko Selya'y di ka mapaparam.


16
Itong di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, O nalayong tuwa
ang siyang umakay na ako'y tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.


17
Selya'y talastas ko't malabis na umid
mangmang ang musa ko't malumbay ang tinig;
di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ang tainga't isip.


18

Ito'y unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal mong yapak;
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.


19
Kung kasadlakan man ng pula't pag-ayop
tubo ko'y dakila sa puhunang pagod;
kung binabasa mo'y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.


20
Masasayang Nimfas sa lawa ng Bai,
Sirenas, ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayo'y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na Musa kong imbi.


21
Ahon sa dalata't pampang na nagligid,
tonohan ng lira yaring abang awit
na nagsasalitang buhay ma'y mapatid,
tapat na pagsinta'y hangad na lumawig.


22
Ikaw na bulaklak niring dilidili,
Selyang sagisag mo'y ang M. A. R.
sa Birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si F. B.



Sa Babasa Nito 

1
Salamat sa iyo, O nanansang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod;
ang tula ma'y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.


2
Kung sa biglang tingi'y bubot at masaklap,
palibhasa'y hilaw at mura ang balat;
nguni't kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.


3
Di ko hinihinging pakamahalin mo,
tawana't dustain ang abang tula ko;
gawin ang ibigi't alpa'y nasa iyo
ay huwag mo lamang baguhin ang berso.


4
Kung sa pagbasa mo'y may tulang malabo,
bago mo hatulang katkatin at liko,
pasuriin muna ang luwasa't hulo,
at makikilalang malinaw at wasto.


5
Ang may tandang letra alinmang talata,
di mo mawatasa't malalim na wika,
ang mata'y itingin sa dakong ibaba,
buong kahuluga'y mapag-uunawa.


6
Hanggang dito ako, O nanasang pantas,
sa kay Sigesmundo'y huwag ding matulad;
Sa gayong katamis wikang masasarap
ay sa kababago ng tula'y umalat.


Paglalarawan sa Kalagayan ni Florante

1
Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Febong silang
dumalaw sa loob ng lubhang masukal.


2
Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
huni pa ng ibon ay nakalulunos
sa lalong matimpi't nagsasayang loob.


3
Tanang mga baging namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi't malapit.


4
Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
pinakamaputing nag-uungos sa dahon;
pawang kulay luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.


5
Karamiha'y Cipres at Higerang kutad
na ang lilim niyon ay nakasisindak;
ito'y walang bunga't daho'y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.


6
Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
karamiha'y Sierpe't Basilisco'y madla,
Hiena't Tigreng ganid na nagsisisila
ng buhay ng tao't daiging kapuwa.


7

Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa'y dinidilig
ng Ilog Cocitong kamandag ang tubig.


8
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho'y kulay pupas;
dito nagagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.


9
Baguntaong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali-kamay paa't liig,
kundi si Narciso'y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit.


10
Makinis ang balat at anaki'y burok
pilikmata'y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.


11
Dangan doo'y walang Oreadas Nimfas,
gubat ng Palasyo ng masidhing Harpias,
nangaawa disi't naakay lumiyag
sa himalang tipon ng karikta'y hirap.


12
Ang abang uyamin ng dalita't sakit-
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
sa luhang nanakit at tinangis-tangis,
ganito'y damdamin ng may awang dibdib.


13

"Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?
ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albania'y iwinawagayway.


14
"Sa loob at labas ng bayan ko sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati.


15
"Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat na kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong.


16
"Nguni ay ang lilo't masasamang-loob
sa trono ng puri ay iniluluklok;
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob.


17
"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo.


18
"At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan.


19
"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!


20

"Sa korona dahil ng Haring Linceo
at sa kayamanan ng Dukeng Ama ko,
ang ipinangangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.


21
"Ang lahat ng ito'y maawaing Langit,
Iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.


22
"Makapangyarihang kanan Mo'y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.


23
"Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata't sa isang alipusta't iring,
sampung tainga mo'y ipinangunguling?


24
"Datapuwa't sino ang tatarok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
walang nangyayari sa balat ng lupa,
di may kagalingang Iyong ninanasa.


25
"Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit
ang sigaw ng aking malumbay na boses!


26

"Kung siya mong ibig na ako'y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi mo lamang sa puso ni Laura--
ako'y minsan-minsang mapag-alaala."

Epekto ng Panibugho kay Florante

27
"At dito sa laot ng dusa't hinagpis,
malawak na lubhang aking tinawid,
gunita ni Laura sa naabang ibig,
siya ko na lamang ligaya sa dibidib.


28
"Munting gunamgunam ng sinta ko't mutya
nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
higit na malaking hirap at dalita,
parusa ng taong lilo't walang awa.


29
"Sa pagkagapos ko'y kung gunigunihin,
malamig nang bangkay akong nahihimbing;
na tinatagisan ng sula ko't giliw,
ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin.


30
"Kung apuhapin ko sa sariling isip,
ang suyuan namin ng pili kong ibig;
ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
nagiging ligaya yaring madlang sakit.


31
"Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!
ano pang halaga ng gayong suyuan ...
kung ang sing-ibig ko'y sa katahimikan
ay humuhilig na sa ibang kandungan?


32

"Sa sinapupunan ni Konde Adolfo,
aking natatanaw si Laurang sinta ko;
kamataya'y nahan ang dating bangis mo,
nang di ko damdamin ang hirap na ito?"


33
Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.


34
Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
na lalong marahas, lilong kamatayan.


35
Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita magmamahabagin;
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.


36
Sukay na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakayin biglang umiyak ang puso,
kung wala nang luhang sa mata'y itulo.


37
Gaano ang awang bubugso sa dibdib
ng may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?


38
Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.


39

"Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso,
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?


40
"Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na di maglililo sa aking pag-ibig?
ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!


41
"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't di nagunamgunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan.


42
"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.


43
"Di kung ako'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang Ciudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong ng perlas?


44
"Ang aking plumahe kung itinatahi
ang parang korales na iyong daliri,
buntunghininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi.


45

"Makailan Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok.


46
"Baluti't koleto'y di mo papayagang
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumhan.


47
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad.


48
"Pahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L.


49
"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot.


50
"Buong panganib mo'y baka nagkasugat,
di maniniwala kung di masiyasat;
at kung magkagurlis nang munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak.


51
"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi.


52

"Hindi ka tutugot kung di matalastas,
kakapitan mo nang mabigyan ng lunas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaaliw sa mga bulaklak.


53
"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang isasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit.


54
"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha;
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay di iapula?


55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon, ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay--
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.


56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.


57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingnan ang sugat kong di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
sa kamay ko, paa't natataling liig.


58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dumamping kalawang:
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.


59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong sadlakan ang sakit,
upang di mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.


60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!


61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
wala na si Laurang laging tinatawag!
napalayu-layo't di na lumiliyag,
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.


62
"Sa abang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinanganyaya,
nilimot ang sinta'y sinayang ang luha.


63
"Alin pa ang hirap na di sa akin
may kamatayan pang di ko daramdamin?
ulila sa ama't inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.


64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumimo,
ako'y sinusunog niring panibugho.


65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang magsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad.


66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinubukan,
ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."


67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamadamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas.


68
Sa puno ng kahoy na napayukayok;
ang ibig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay ng burok
ng kanyang mukha'y naging puting lubos.


Dalawang Uri ng Ama


69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas,
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit moro sa Persyang siyudad.


70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki'y ninitang pagpapahingahan,
di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.


71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong ng kahoy na takip sa Langit,
istatuwa manding nakatayo'y umid,
ang buntunghininga niya'y walang patid.


72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo,
nagwikang "O palad!" sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.


73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo ng kanan;
isang mayroong ginugunamgunam--
isang mahalagang nalimutang bagay.


74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
di rin kumakati ang batis ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"


75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!"
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo'y nagtatahan.


76
Pamaya-maya'y nabangong nagulat,
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng furias--
"Di ko itutulot!" ang ipinahayag.


77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
at di ang ama kong dapat na igalang,
hindi ko masabi kung ang pikang tangan--
bubuga ng libo't laksang kamatayan!


78
"Bababa si Marte mula sa itaas
at kailalima'y aahon ang Parcas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!


79
"Sa kuko ng lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niring kaluluwang angkin;
liban na kay ama, ang sinuma't alin
ay di igagalang ng tangang patalim.


80
"O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!


81
"At yuyurakan na ang lalong dakila--
bait, katuwira'y ipanganganyaya;
buong katungkula'y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya.


82
"Itong kinaratnan ng palad ko linsil
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong di makayang bathin."


83
Sa mawika ito luha'y pinaagos,
pika'y isinaksak saka naghimutok;
nagkataon namang parang isinagot
ang buntunghininga niyaong nagagapos.


84
Gerero'y namangha nang ito'y marinig,
pinagbaling-baling sa gubat ang titig;
nang walang makita'y hinintay umulit,
di man nalao'y nagbangong humibik.


85
Ang bayaning Moro'y lalo nang namaang,
"Sinong nanaghoy sa ganitong ilang?"
lumapit sa dakong pinanggagalingan
ng buntunghininga't pinakimatyagan.


86
Inabutan niya'y ang ganitong hibik:
"Ay, mapagkandiling amang iniibig!
bakit ang buhay mo'y naunang napatid,
ako'y inulila sa gitna ng sakit?


87
"Kung sa gunita ko'y pagkuru-kuruin
ang pagkahulog mo sa kamay ng taksil,
parang nakikita ang iyong narating...
parusang marahas na kalagim-lagim.


88
"At alin ang hirap na di ikakapit
sa iyo ng Konde Adolfong malupit?
ikaw ang salamin -sa Reyno -ng bait,
pagbubuntunan ka ng malaking galit.


89
"Katawan mo ama'y parang namamalas
ngayon ng bunso mong lugami sa hirap;
pinipisan-pisan at iwinawalat
ng pawa ring lilo'y berdugo ng sukab.


90
"Ang nagkahiwalay na laman mo't buto,
kamay at katawang nalayo sa ulo,
ipinaghagisan niyong mga lilo
at walang maawang naglibing na tao.


91
"Sampu ng lingkod mo't mga kaibigan
kung kampi sa lilo'y iyong nang kaaway;
ang di nagsiayo'y natatakot namang
bangkay mo'y ibao't mapaparusahan.


92
"Hanggang dito ama'y aking naririnig,
nang ang iyong ulo'y itapat sa kalis;
ang panambitan mo't dalangin sa Langit,
na ako'y maligtas sa kukong malupit.


93
"Ninanasa mo pang ako'y matabunan
ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan,
nang huwag mahulog sa panirang kamay
ng Konde Adolfong higit sa halimaw.


94
"Pananalangin mo'y di pa nagaganap,
sa liig mo'y biglang nahulog ang tabak;
nasnaw sa bibig mong huling pangungusap
ang Adiyos bunso't buhay mo'y lumipas.


95
"Ay, amang ama ko! kung nagunamgunam--
madla mong pag-irog at pagpapalayaw,
ipinapalaso ng kapighatian--
luha niring pusong sa mata'y nunukal.


96
"Walang ikalawang ama ka sa lupa
sa anak na kandong ng pag-aaruga;
ang munting hapis kong sumungaw sa mukha,
sa habag mo'y agad nanalong ang luha.


97
"Ang lahat ng tuwa'y natapos sa akin,
sampu niring buhay ay naging hilahil;
ama ko'y hindi na malaong hihintin
ako't sa payapang baya'y yayakapin."


98
Sandaling tumigil itong nananangis,
binigyang-panahon luha'y tumagistis
niyong naawang morong nakikinig...
sa habag ay halos magputok ang dibdib.


99

Tinutop ang puso at saka nagsaysay,
"Kailan," aniya, "luha ko'y bubukal
ng habag kay ama at panghihinayang
para ng panaghoy ng nananambitan?


100
"Sa sintang inagaw ang itinatangis,
dahilan ng aking luhang nagbabatis;
yao'y nananaghoy dahil sa pag-ibig
sa amang namatay na mapagtangkilik.


101
"Kung ang walang patid na ibinabaha
ng mga mata ko'y sa hinayang mula--
sa mga palayaw ni ama't aruga--
malaking palad ko't matamis na luha.


102
"Ngunit ang nanahang maralitang tubig...
sa mukha't dibdib kong laging dumidilig,
kay ama nga galing datapuwa't sa bangis,
hindi sa andukha at pagtatangkilik.


103
"Ang matatawag kong palayaw sa akin
ng ama ko'y itong ako'y pagliluhin,
agawan ng sinta't panasa-nasaing
lumubog sa dusa't buhay ko'y makitil.


104
"May para kong anak na napanganyaya,
ang layaw sa ama'y dusa't pawang luha?
hindi nakalasap kahit munting tuwa
sa masintang inang pagdaka'y nawala!"


Pagmamahal sa Bayan


105
Napahinto rito'y narinig na muli
ang pananambitan niyong nakatali,
na ang wika'y "Laurang aliw niring budhi,
paalam ang abang kandong ng pighati."


106
"Lumagi ka nawa sa kaligayahan,
sa harap ng di mo esposang katipan;
at huwag mong datnin yaring kinaratnan
ng kasing nilimot at pinagliluhan.


107
"Kung nagbangis ka ma't nagsukab sa akin,
mahal ka ring lubha dini sa panimdim
at kung mangyayari hanggang sa malibing,
ang mga buto ko, kita'y sisintahin."


108
Di pa natatapos itong pangungusap,
may dalawang leong hangos ng paglakad,
siya'y tinutungo't pagsil-in ang hangad,
ngunit nangatigil pagdating sa harap.


109
Nangaawa mandi't nawalan ng bangis
sa abang sisil-ing larawan ng sakit;
nangakatingala't parang nakikinig
sa di lumilikat na tinangis-tangis.


110
Anong loob kaya nitong nagagapos,
ngayong nasa harap ang dalawang hayop,
na ang balang ngipi't kuko'y naghahandog--
isang kamatayang kakila-kilabot!


111
Di ko na masabi't luha ko'y nanatak,
nauumid yaring dilang nangungusap;
puso ko'y nanlambot sa malaking habag
sa kaawa-awang kinubkob ng hirap.


112
Sino'y di mahapis na may karamdaman
sa lagay ng gapos na kalumbay-lumbay;
lipos ng pighati saka tinutunghan
sa laman at buto niya ang hihimay!


113
Katiwala na nga itong tigib-sakit
na ang buhay niya'y tuntong na sa guhit;
nilagnat ang puso't nasira ang boses,
di na mawatasan halos itong hibik.


114
"Paalam, Albanyang pinamamayanan
ng kasam-at lupit, bangis, kaliluhan;
akong tanggulan mo'y kusa mang pinatay,
sa iyo'y malaki ang panghihinayang.


115
"Sa loob mo nawa'y huwag mamilantik
ang panirang talim ng katalong kalis;
magka-espada kang para nang binitbit
niring kinuta mong kanang matangkilik.


116
"Kinasuklaman mo ang pangako--
sa iyo'y gugulin niniyak kong dugo;
at inibig mo pang hayop ang magbubo
sa kung itanggol ka'y maubos tumulo.


117
"Pagkabata ko na'y walang inadhika
kundi paglilingkod sa iyo't kalinga;
di makailan kang babal-ing masira,
ang mga kamay ko'y siyang tumimawa.


118
"Dustang kamatayan ang bihis mong bayad;
dapuwa't sa iyo'y magpapasalamat
kung pakamahali't huwag ipahamak
ang tinatangisang giliw na nagsukab.


119

"Yaong aking Laurang hindi mapapaknit
ng kamatayan man sa tapat ng dibdib;
paalam, Bayan ko, paalam na, ibig,
magdarayang sintang di manaw na isip!


120
"Bayang walang-loob, sintang alibugha,
Adolfong malupit, Laurang magdaraya,
magdiwang na ngayo't manulos sa tuwa
at masusunod na sa akin ang nasa.


121
"Nasa harap ko na ang lalong marawal,
mabangis na lubhang lahing kamatayan;
malulubos na nga ang iyong kasam-an,
gayundin ang aking kaalipustaan.


122
"Sa abang-aba ko! diyata, O Laura...
mamamatay ako'y hindi mo na sinta!
ito ang malapit sa lahat ng dusa,
sa akin ay sino'ng mag-aalaala!


123
"Diyata't ang aking pagkapanganyaya,
di mo tatapunan ng munti mang luha;
kung yaring buhay ko'y mahimbing sa wala,
di babahaginan ng munting gunita!


124
"Guniguning ito'y lubhang makamandag,
agos na luha ko't puso ko'y maagnas
tulo kaluluwa't sa mata'y pumulas,
kayo aking dugo'y mag-unahang matak.


125
"Nang matumbasan ko ang luha, ang sakit
nitong pagkalimot ng tunay kong ibig,
huwag yaring buhay ang siyang itangis
kundi ang pagsintang lubos na naamis."


Pagliligtas ni Aladin kay Florante

126
Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
gerero'y hindi na napigil ang habag,
tinunton ang boses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbukas ng landas.


127
Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik
sa dagok ng lubhang matalas na kalis;
moro'y di tumugot hanggang di nasapit
ang binubukalan ng maraming tangis.


128
Anyong pantay-mata ang lagay ng araw
niyong pagkatungo sa kalulunuran;
siyang pagkataas sa kinalalagyan
nitong nagagapos na kahambal-hambal.


129
Nang malapit siya't abutin ng sulyap
ang sa pagkatali'y linigid ng hirap,
nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas,
katawan at puso'y nagapos ng habag.


130
Malaong natigil na di nakakibo,
hininga'y hinabol na ibig lumayo;
matutulog disin sa habag ang dugo,
kundangan nagbangis leong nangagtayo.


131
Naakay ng gutom at gawing manila,
nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
handa na ang ngipi't kukong bagong hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iwa.


132

Tanang balahibo'y pinapangalisag,
nanindig ang buntot na nakagugulat;
sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
Puryang nagngangalit ang siyang katulad.


133
Nagtaas ang kamay at nangakaakma
sa katawang gapos ang kukong pansira;
nang darakmain na'y siyang pagsagasa
niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.


134
Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin sa Serp'yente Piton;
walang bigong kilos na di nababaon
ang lubhang bayaning tabak na pamutol.


135
Kung ipamilantik ang kanang pamatay
at saka isalag ang pang-adyang kamay,
maliliksing leon ay nangalilinlang,
kaya di nalao'y nangagumong bangkay.


136
Nang magtagumpay ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop,
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ng loob.


137
Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
dugo'y nang matingnang nunukal sa gitgit;
sa pagkalag niyang maliksi'y nainip
sa siga-sigalot na madlang bilibid.


138
Kaya ang ginawa'y inagapayanan,
katawang malatang parang bagang bangkay;
at minsang pinatid ng espadang tangan
walang awang lubid na lubhang matibay.


139
Umupo't kinalong na naghihimutok,
katawang sa dusa hininga'y natulog;
hinaplos ang mukha't dibdib ay tinuptop,
nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.


140
Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay
na kanilang kalong kalumbay-lumbay,
nininilay niya at pinagtatakhan
ang dikit ng kiyas at kinasapitan.


141
Namamangha naman ang magandang kiyas,
kasing-isa't ayon sa bayaning tikas;
mawiwili disin ang iminamalas
na mata, kandungan sa malaking habag.


142
Gulung-gulong lubha ang kaniyang loob,
nguni't napayapa ng anyong kumilos
itong abang kandong na kalunus-lunos,
nagising ang buhay na nakakatulog.


143
Sa pagkalungayngay mata'y idinilat,
himutok ang unang bati sa liwanag;
sinundan ng taghoy na kahabag-habag;
"Nasaan ka Laura sa ganitong hirap?"


144
"Halina, giliw ko't gapos ko'y kalagin,
kung mamatay ako'y gunitain mo rin."
pumikit na muli't napatid ang daing,
sa may kandong namang takot na sagutin.


145
Ipinanganganib ay baka mabigla,
magtuloy mapatid hiningang mahina;
hinintay na lubos niyang mapayapa
ang loob ng kandong na lipos-dalita.


146
Nang muling mamulat ang nagitlaanan,
"Sino? sa aba ko't nasa Morong kamay!"
ibig na iigtad ang lunong katawan,
nang hindi mangyari'y nagngalit na lamang.


147
Sagot ng gerero'y "Huwag kang manganib
sumapayapa ka't mag-aliw ng dibdib;
ngayo'y ligtas ka na sa lahat ng sakit,
may kalong sa iyo ang nagtatangkilik.


148
"Kung nasusuklam ka sa aking kandungan,
lason sa puso mo ang hindi binyagan
nakukutya akong di ka saklolohan
sa iyong nasapit na napakarawal.


149
"Ipinahahayag ng pananamit mo,
taga-Albanya ka at ako'y Persyano;
ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko,
sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo.


150
"Moro ako'y lubos na taong may dibdib
at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
dine sa puso ko'y kusang natititik-
natural na ley-ing sa aba't mahapis.


151
"Anong gagawin ko'y aking napakinggan
ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay,
gapos na nakita't pamumutiwanan
ng dalawang ganid, ng bangis na tangan."


152
Nagbuntunghininga itong abang kalong
at sa umaaaliw na Moro'y tumugon,
"Kung di mo kinalag sa puno ng kahoy,
nalibing na ako sa tiyan ng leon.


153
"Payapa na naman disin yaring dibdib,
napagkikilalang kaaway kang labis;
at di binayaang nagkapatid-patid
ang aking hiningang kamataya't sakit.


154
"Itong iyong awa'y di ko hinahangad,
patayin mo ako'y siyang pitang habag;
di mo tanto yaring binabatang hirap,
na ang kamatayan ang buhay kong hanap."


155
Dito napahiyaw sa malaking hapis
ang Morong may awa't luha'y tumagistis;
siyang itinugon sa wikang narinig
at sa panlulumo'y kusang napahilig.


156
Anupa't kapwa hindi nakakibo
di nangakalaban sa damdam ng puso;
parang walang malay hanggang sa magtago't
humilig sa Pebo sa hihigang ginto.


157
May awang gerero ay sa maramdaman,
malamlam na sinag sa gubat ay nanaw,
tinunton ang landas na pinagdaanan,
dinala ang kalong sa pinanggalingan.


158
Doon sa naunang hinintuang dako
nang masok sa gubat ang bayaning Moro,
sa isang malapad, malinis na bato,
kusang pinagyaman ang lugaming pangko.


159
Kumuha ng munting baong makakain,
ang nagdaralita'y inamong tumikim,
kahit umaayaw ay nahikayat din
ng sabing malambot na pawang pang-aliw.


160
Naluwag-luwagan ang panghihingapos,
sapagka't naawas sa pagkadayukdok,
hindi kinukusa'y tantong nakatulog,
sa sinapupunan ng gererong bantog.


161
Ito'y di umidlip sa buong magdamag,
sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat;
ipinanganganib ay baka makagat
ng ganid na madlang nagkalat sa gubat.


162
Tuwing magigising sa magaang tulog,
itong lipos-hirap ay naghihimutok,
pawang tumitirik na anaki'y tunod
sa dibdib ng Morong may habag at lunos.


163
Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
munting napayapa sa dalang hilahil;
hanggang sa Aurorang itaboy ang dilim,
walang binitiwang himutok at daing.


164
Ito ang dahilang ipinagkasundo,
limang karamdamang parang hinahalo;
ikinatiwasay ng may dusang puso,
lumakas na muli ang katawang hapo.


165
Kaya't nang isabog sa sansinukuban
ang doradong buhok ng masayang araw,
nagbangong hinaho't pinasalamatan
sa Langit ang bagong lakas ng katawan.


166

Sabihin ang tuwa ng gererong hayag,
ang abang kinalong ay biglang niyakap;
kung nang una'y nukal ang luha sa habag,
ngayo'y sa galak na ang inilagaslas.


167
Kapos ang dila kong magsaysay ng laki
ng pasasalamat nitong kinandili;
kundangan ang dusa'y sa nawalang kasi
ay napawi disin sa tuwang umali.


168
Sapagka't ang dusang mula sa pag-ibig
kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
kisapmata lamang ay agad babalik
at magdaragdag pa sa una ng bangis.


169
Kaya hindi pa rin halos dumadapo
ang tuwa sa lamad ng may dusang puso
ay itinakwil na ang dalitang lalo
at ang tunod niya'y siyang itinimo.


170
Niyapos na muli ang dibdib ng dusa,
hirap yatang bathin ng sakit sa sinta!
dangan inaaliw ng Moro sa Persya,
natuluyang nanaw ang tangang hininga.


171
"Iyong natatanto ang aking paglingap,"
anitong Persyano sa nababagabag;
"mula ng hirap mo'y ibig kong magtatap
at nang kung may daa'y malagyan ng lunas."


172
Tugon ng may dusa'y "di lamang ang mula
niring dalita ko ang isasalita,
kundi sampung buhay sapul sa pagkabata,
nang maganapan ko ang hingi mo't nasa."


173

Nupong nag-agapay sa puno ng kahoy
ang may dalang habag at lipos-linggatong,
saka sinalitang luha'y bumabalong,
buong naging buhay hanggang naparool.


Ang Kabataan ni Florante


174
"Sa isang dukado ng Albanyang syudad
doon ko nakita ang unang liwanag,
yaring katauha'y utang kong tinanggap
sa Duke Briseo, ay ama kong liyag!


175
"(Ngayon nariyan ka sa payapang bayan,
sa harap ng aking inang minamahal,
Prinsesa Florescang esposa mong hirang,
tanggap ang luha kong sa mata'y nunukal.)


176
"Bakit naging tao ako sa Albanya,
bayan ng ama ko, at di sa Krotona,
masayang Siyudad na lupa ni ina?
disin ang buhay ko'y di lubhang nagdusa?


177
"Ang dukeng ama ko'y pribadong tanungan
ng Haring Linceo sa anumang bagay;
pangalawang puno ng sangkaharian,
may gintong ugali at iginagalang.


178
"Kung sa kabaita'y uliran ng lahat
at sa katapanga'y pang-ulo sa syudad;
walang kasindunong magmahal sa anak,
umakay, magturo sa gagawing dapat.


179

"Naririnig ko pa halos hanggang ngayon,
malayaw na tawag ng ama kong poon.
noong ako'y batang kinakandung-kandong,
taguring Floranteng bulaklak kong bugtong.


180
"Ito ang ngalan ko mulang pagkabata,
nagisnan sa ama't inang nag-andukha;
pamagat na ambil sa lumuha-luha
at kayakap-yakap ng madlang dalita.


181
"Buong kamusmusa'y di na sasalitin,
walang may halagang nangyari sa akin
kundi nang sanggol pa'y kusang daragitin
ng isang buwitreng ibong sadyang sakim.


182
"Ang sabi ni ina ako'y natutulog
sa bahay sa kintang malapit sa bundok;
pumasok ang ibong pang-amoy ay abot
hanggang tatlong legwas sa patay na hayop.


183
"Sa sinigaw-sigaw ng ina kong mutya,
nasok ang pinsan kong sa Epiro mula;
ngala'y Menalipo-may taglay na pana--
tinudla ang ibo't namatay na bigla.


184
"Isang araw namang bagong lumalakad,
noo'y naglalaro sa gitna ng salas
may nasok na Arco't biglang sinambilat
Kupidong diamanteng sa dibdib ko'y hiyas.


185
"Nang tumuntong ako sa siyam na taon,
palaging gawa ko'y mag-aliw sa burol;
sakbat ang palaso't ang busog na kalong,
pumatay ng hayop, mamana ng ibon.


186

"Sa tuwing umagang bagong naglalatag
ang anak ng araw ng masayang sinag,
naglilibang ako sa tabi ng gubat,
madla ang kaakbay ng mga alagad.


187
"Hanggang sa tingal-in ng sandaigdigan
ang mukha ni Pebong hindi matitigan
ay sinasagap ko ang kaligayahang
handog niyong hindi maramot na parang.


188
"Aking tinitipon ang ikinakalat
na masayang bango ng mga bulaklak,
inaaglahi ko ang laruang palad,
mahinhing amiha't ibong lumilipad.


189
"Kung ako'y mayroong matanaw na hayop
sa tinitingalang malapit na bundok,
biglang ibibinit ang pana sa busog,
sa minsang tudla ko'y pilit matutuhog.


190
"Tanang samang lingkod ay nag-aagawan,
unang makarampot ng aking napatay;
ang tinik sa dawag ay di dinaramdam,
palibhasa'y tuwa ang nakaakay.


191
"Sukat maligaya sinumang manood
sa sinuling-suling ng sama kong lingkod;
at kung masunduan ang bangkay ng hayop,
ingay ng hiyawan sa loob ng tumok.


192
"Ang laruang busog ay kung pagsawaan,
uupo sa tabi ng matuling bukal,
at mananalamin sa linaw ng kristal
sasagap ng lamig na iniaalay.


193
"Dito'y mawiwili sa mahinhing tinig
ang nangagsasayang Nayades sa batis;
taginting ng Lirang katono ng awit,
mabisang pamawi sa lumbay ng dibdib.


194
"Sa tamis ng tinig na kahalak-halak
ng nag-aawitang masasayang Nimfas
naaanyayahan sampung lumilipad--
sarisaring ibong agawan ng dilag.


195
Kaya nga't sa sanga ng kahoy na duklay,
sa mahal na batis na iginagalang
ng bulag na Hentil ay nagluluksuhan,
ibo'y nakikinig ng pag-aawitan.


196
"Anhin kong saysayin ang tinamong tuwa
ng kabataan ko't malawig na lubha;
pag-ibig ni ama'y siyang naging mula,
lisanin ko yaong gubat na payapa.


197
"Pag-ibig anaki'y aking nakilala,
di dapat palakhin ang bata sa saya;
at sa katuwaa'y kapag namihasa,
kung lumaki'y walang hihinting ginhawa.


198
"Sapagka't ang mundo'y bayan ng hinagpos,
mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib;
lumaki sa tuwa'y walang pagtitiis...
anong ilalaban sa dahas ng sakit?


199
"Ang taong magawi sa ligaya't aliw,
mahina ang puso't lubhang maramdamin;
inaakala pa lamang ang hilahil
na daratni'y, di na matutuhang bathin.


200
"Para ng halamang lumaki sa tubig,
daho'y malalanta munting di madilig;
ikinaluluoy ang sandaling init,
gayundin ang pusong sa tuwa'y maniig.


201
"Munting kahirapa'y mamalakhing dala,
dibdib palibhasa'y di gawing magbata;
ay bago sa mundo'y bawat kisapmata,
nang tao'y mayroong sukat ipagdusa.


202
"Ang laki sa layaw karaniwa'y hubad
sa bait at muni't sa hatol ay salat;
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak.


203
"Sa taguring bunso't likong pagmamahal,
ang isinasama ng bata'y nunukal;
ang iba marahil sa kapabayaan
ng dapat magturong tamad na magulang.


204
"Ang lahat ng ito'y kay amang talastas,
kaya nga ang luha ni ina'y hinamak;
at ipinadaka ako sa Atenas--
bulag na isip ko'y nang doon mamulat."


Buhay sa Atenas


205
"Pag-aaral sa akin ay ipinatungkol
sa isang mabait, maestrong marunong;
lahi ni Pitaco--ngala'y si Antenor--
lumbay ko'y sabihin nang dumating doon.


206
"May sambuwan halos na di nakakain,
luha sa mata ko'y di mapigil-pigil,
nguni't napayapa sa laging pag-aliw
ng bunying maestrong may kupkop sa akin.


207
"Sa dinatnan doong madlang nag-aaral
kaparis kong bata't kabaguntauhan,
isa'y si Adolfong aking kababayan,
anak niyong Konde Silenong marangal.


208
"Ang kaniyang tao'y labis ng dalawa
sa dala kong edad na lalabing-isa;
siyang pinopoon ng buong eskwela,
marunong sa lahat na magkakasama.


209
"Mahinhin ang asal na hindi magaso
at kung lumakad pa'y palaging patungo
mabining mangusap at walang katalo,
lapastanganin ma'y hindi nabubuyo.


210
"Anupa't sa bait ay siyang huwaran
ng nagkakatipong nagsisipag-aral;
sa gawa at wika'y di mahuhulihan
ng munting panira sa magandang asal.


211
"Ni ang katalasan ng aming maestro
at pagkabihasa sa lakad ng mundo
ay hindi natarok ang lihim at tungo
ng pusong malihim nitong si Adolfo.


212
"Akong pagkabata'y ang kinamulatan
kay ama'y ang bait na di paimbabaw,
yaong namumunga ng kaligayahan,
nanakay sa pusong suyui't igalang.


213
"Sa pinagtatakhan ng buong eskwela
bait ni Adolfong ipinakikita,
di ko malasapan ang haing ligaya
ng magandang asal ng ama ko't ina.


214
"Puso ko'y ninilag na siya'y giliwin,
aywan nga kung bait at naririmarim;
si Adolfo nama'y gayundin sa akin,
nararamdaman ko kahit lubhang lihim.


215
"Araw ay natakbo at ang kabataan
sa pag-aaral ko sa aki'y nananaw;
bait ko'y luminis at ang karunungan,
ang bulag kong isip ay kusang dinamtan.


216
"Natarok ang lalim ng pilosopiya,
aking natutuhan ang astrolohiya,
natantong malinis ang kataka-taka
at mayamang dunong ng matematika.


217
"Sa loob ng anim na taong lumakad,
itong tatlong dunong ay aking nayakap;
tanang kasama ko'y nagsipanggilalas,
sampu ng maestrong tuwa'y dili hamak.


218
"Ang pagkatuto ko anaki'y himala,
sampu ni Adolfong naiwan sa gitna;
maingay na pamang tagapamalita,
sa buong Atenas ay gumala-gala.


219
"Kaya nga at ako ang naging hantungan,
tungo ng salita ng tao sa bayan;
mulang bata't hanggang katanda-tandaan
ay nakatalastas ng aking pangalan.


220
"Dito na nahubdan ang kababayan ko
ng hiram na bait na binalatkayo;
kahinhinang-asal na pakitang-tao,
nakilalang hindi bukal kay Adolfo.


221
"Natanto ng lahat na kaya nanamit
niyong kabaitang di taglay sa dibdib
ay nang maragdag pa sa talas ng isip
itong kapurihang mahinhi't mabait.


222
"Ang lihim na ito'y kaya nahalata,
dumating ang araw ng pagkakatuwa;
kaming nag-aaral baguntao't bata,
sarisaring laro ang minunakala.


223
"Minulan ang gali sa pagsasayawan,
ayon sa musika't awit na saliwan;
larong buno't arnis na kinakitaan
na kani-kaniyang liksi't karunungan.


224
"Saka inilabas namin ang trahedya
ng dalawang apo ng tunay na ina
at mga kapatid ng nag-iwing amang
anak at esposo ng Reyna Yocasta.


225
"Papel ni Eteocles ang naging tungkol ko
at si Polinice nama'y kay Adolfo;
isang kaeswela'y siyang nag-Adrasto
at ang nag-Yocasta'y bunying si Minandro.


226
"Ano'y nang mumulan ang unang batalya
ay ang aming papel ang nagkakabaka,
nang dapat sabihing ako'y kumilala't
siya'y kapatid kong kay Edipong bunga.


227
"Nanlisik ang mata'y ang ipinagsaysay
ay hindi ang ditsong nasa orihinal,
kundi ang winika'y 'Ikaw na umagaw
ng kapurihan ko'y dapat kang mamatay!'


228
"Hinanduolong ako, sabay nitong wika,
ng patalim niyang pamatay na handa,
dangan nakaiwas ako'y nabulagta
sa tatlong mariing binitiwang taga.


229
"Ako'y napahiga sa inilag-ilag,
sinabayang bigla ng tagang malakas;
(salamat sa iyo, O Minandrong liyag,
kundi ang liksi mo, buhay ko'y nautas!)


230
"Nasalag ang dagok na kamatayan ko,
lumipad ang tanging kalis ni Adolfo;
siyang pagpagitan ng aming maestro
at nawalang-diwang kasama't katoto.


231
"Anupa't natapos yaong katuwaan
sa pangingilabot at kapighatian;
si Adolfo'y di na namin nabukasan,
noon di'y nahatid sa Albanyang bayan.


232
"Naging santaon pa ako sa Atenas,
hinintay ang loob ng ama kong liyag;
sa aba ko't noo'y tumanggap ng sulat
na ang balang letra'y iwang may kamandag.


233

"Gunamgunam na di napagod humapis,
di ka naianod ng luhang mabilis;
iyong ginugulo ang bait ko't isip
at di mo payagang payapa ang dibdib!


234
"(Kamandag kang lagak niyong kamatayan
ng sintang ina ko'y di nagpakundangan;
sinasariwa mo ang sugat na lalang
na aking tinanggap na palasong liham!)


235
"(Tutulungan kita ngayong magpalala
ng hapdi sa pusong di ko maapula;
namatay si ina'y laking dalita,
ito sa buhay ko ang unang umiwa.)


236
"Patay na dinampot sa aking pagbasa
niyong letrang titik ng bikig na pluma;
diyata, ama ko, at nakasulat ka
ng pamatid-buhay sa anak na sinta!


237
"May dalawang oras na nakamalay
ng pagkatao ko't ng kinalalagyan;
dangan sa kalinga ng kasamang tanan
ay di mo na ako nakasalitaan.


238
"Nang mahimasmasa'y narito ang sakit,
dalawa kong mata'y naging parang batis;
at ang Ay! ay, ina! kung kaya napatid
ay nakalimutan ang paghingang gipit.


239
"Sa panahong yao'y ang buo kong damdam
ay nanaw sa akin ang sandaigdigan;
nag-iisa ako sa gitna ng lumbay
ang kinakabaka'y sarili kong buhay.


240

"Hinamak ng aking pighating mabangis
ang sa maestro kong pang-aliw na boses;
ni ang luhang tulong ng samang may hapis
ay di nakaawas sa pasan kong sakit.


241
"Baras na matuwid ay nilapastangan
ng lubhang marahas na kapighatian;
at sa isang titig ng palalong lumbay,
diwa'y lumipad, niring katiisan.


242
"Anupa't sa bangis ng dusang bumugso,
minamasarap kong mutok yaring puso;
at nang ang kamandag na nakapupuno,
sumamang dumaloy sa agos ng dugo.


243
"May dalawang buwang hindi nakatikim
ako ng linamnam ng payapa't aliw;
ikalawang sulat ni ama'y dumating,
sampu ng sasakyang sumundo sa akin.


244
"Saad sa kalatas ay biglang lumuhan
at ako'y umuwi sa Albanyang bayan;
sa aking maestrong nang nagpapaalam,
aniya'y 'Florante, bilin ko'y tandaan.


245
"Huwag malilingat at pag-ingatan mo
ang higanting handa ni Konde Adolfo;
pailag-ilagang parang basilisko,
sukat na ang titig na matay sa iyo.


246
"Kung ang isalubong sa iyong pagdating
ay masayang mukha't may pakitang-giliw,
lalong pag-ingata't kaaway na lihim,
siyang isaisip na kakabakahin.


247
"Dapuwa't huwag kang magpapahalata,
tarok mo ang lalim ng kaniyang nasa;
ang sasandatahi'y lihim na ihanda,
nang may ipagtanggol sa araw ng digma.'


248
"Nang mawika ito, luha'y bumalisbis
at ako'y niyakap na pagkahigpit-higpit;
huling tagubilin: 'bunso'y katitiis
at hinihintay ka ng maraming sakit.


249
"At mumulan mo na ang pakikilaban
sa mundong bayaning punong kaliluhan.'
hindi na natapos at sa kalumbayan,
pinigil ang dila niyang nagsasaysay.


250
"Nagkabitiw kaming malumbay kapuwa,
tanang kaeskwela--mata'y lumuluha;
si Minandro'y labis ang pagdaralita,
palibhasa'y tapat na kapuwa bata.


251
"Sa pagkakalapat ng balikat namin,
ang mutyang katoto'y di bumitiw-bitiw
hanggang tinulutang sumama sa akin
ng aming maestrong kaniyang amain.


252
"Yaong paalama'y anupa't natapos
sa pagsasaliwan ng madlang himutok;
at sa kaingaya't gulo ng adiyos,
ang buntunghininga ay nakikisagot.


253
"Magpahanggang daong ay nagsipatnubay
ang aking maestro't kasamang iiwan;
umihip ang hangi't agad nahiwalay
sa Pasig Atenas ang aming sasakyan."


Pag-uwi ni Florante sa Albanya


254
"Bininit sa busog ang siyang katulad
ng tulin ng aming daong sa paglayag,
kaya di naglaon paa ko'y yumapak
sa dalampasigan ng Albanya Syudad.


255
"Pag-ahon ko'y agad nagtulo sa Kinta,
di humihiwalay katotong sinta;
paghalik sa kamay ng poon kong ama,
lumala ang sakit nang dahil kay ina.


256
"Nagdurugong muli ang sugat ng puso,
humigit sa una ang dusang bumugso;
nawikang kasunod ng luhang tumulo:
Ay, Ama! kasabay ng bating Ay, bunso.


257
"Anupa'y ang aming buhay na mag-ama,
nayapos ng bangis ng sing-isang dusa;
kami ay dinatnang nagkakayakap pa
niyong embahador ng Bayang Krotona.


258
"Nakapanggaling na sa Palasyo Real
at ipinagsabi sa hari ang pakay;
dala'y isang sulat sa ama kong hirang,
titik ng monarkong kaniyang biyenan.


259
"Humihinging tulong at nasa pangamba,
ang Krotonang Reyno'y kubkob ng kabaka;
ang puno ng hukbo'y balita ng sigla--
Heneral Osmalic na bayaning Persya.


260
"Ayon sa balita'y pangalawa ito
ng Prinsipe niyang bantog sa sangmundo--
Alading kilabot ng mga gerero,
iyong kababayang hinahangaan ko."


261
Dito napangiti ang Morong kausap,
sa nagsasalita'y tumugong banayad;
aniya'y "Bihirang balita'y magtapat,
kung magkatotoo ma'y marami ang dagdag.


262
"At saka madalas ilala ng tapang
ay ang guniguning takot ng kalaban;
ang isang gererong palaring magdiwang,
mababalita na at pangingilagan.


263
"Kung sa katapanga'y bantog si Aladin,
may buhay rin namang sukat na makitil;
iyong matatantong kasimpantay mo rin
sa kasam-ang-palad at dalang hilahil."


264
Sagot ni Florante, "Huwang ding maparis
ang gererong bantog sa palad kong amis;
at sa kaaway ma'y di ko ninanais
ang laki ng dusang aking napagsapit.


265
"Natanto ni ama ang gayong sakuna-
sa Krotonang Baya'y may balang sumira,
ako'y isinama't humarap na bigla
sa Haring Linceong may gayak nang digma.


266
"Kami ay bago pang nanakyat sa hagdan
ng palasyong batbat ng hiyas at yaman
ay sumasalubong na ang haring marangal,
niyakap si ama't noo'y kinamayan.


267
"Ang wika'y 'O Duke, ang kiyas na ito
ang siyang kamukha ng bunying gerero;
aking napangarap na sabi sa iyo,
magiging haligi ng setro ko't reyno.


268
"Sino ito't saan nanggaling na syudad'
ang sagot ni ama...'ay bugtong kong anak
na inihahandog sa mahal mong yapak,
ibilang sa isang basalyo't alagad.'


269
"Namangha ang hari at niyakap ako,
'Mabuting panahon itong pagdating mo;
ikaw ang heneral ng hukbong dadalo
sa Bayang Krotonang kinubkob ng Moro.


270
"Patotohanan mong hindi iba't ikaw
ang napangarap kong gererong matapang
na maglalathala sa sansinukuban
ng kapurihan ko at kapangyarihan.


271
"Iyong kautangan paroong mag-adya
nuno mo ang hari sa Bayang Krotona;
dugo kang mataas ay dapat kumita
ng sariling dangal at bunyi ng gyera.'


272
"Sapagkat matuwid ang sa haring saysay,
umayon si ama, kahit mapait man,
na agad masubo sa pagpapatayan
ang kabataan ko't di kabihasaan.


273
"Ako'y walang sagot na naipahayag
kundi Haring poo't nagdapa sa yapak;
nang aking hahagkan ang mahal na bakas,
kusang itinindig at muling niyakap.


274
"Nag-upuan kami't saka nagpanayam
ng balabalaki't may halagang bagay,
nang sasalitin ko ang pinagdaanan
sa Bayang Atenas na pinanggalingan.


275
"Siyang pamimitak at kusang nagsabog
ng ningning ang talang kaagaw ni Venus--
Anaki ay bagong umahon sa bubog,
buhok ay naglugay sa perlas na batok.


276
"Tuwang pangalawa kung hindi man langit
ang itinatapon ng mahinhing titig;
O, ang luwalhating buko ng ninibig
pain ni Cupidong walang makarakip.


277
"Liwanag ng mukha'y walang pinag-ibhan
kay Pebo kung anyong bagong sumisilang;
katawang butihin ay timbang na timbang
at mistulang ayon sa hinhin ng asal.


278
"Sa kaligayaha'y ang nakakaayos--
bulaklak na bagong winahi ng hamog;
anupa't sinumang palaring manood,
patay o himala kung hindi umirog.


279
"Ito ay si Laurang ikinasisira
ang pag-iisip ko tuwing magunita,
at dahil sa tanang himutok at luha--
itinotono ko sa pagsasalita.


280
"Anak ni Linceong Haring napahamak,
at kinabukasan ng aking pagliyag;
(Bakit itinulot, Langit na mataas...
na mapanood ko kung di ako dapat!)


281
"(O Haring Linceo, kung di mo pinilit
na sa salitaan nati'y makipanig,
ang buhay ko disi'y hindi nagkasakit
ngayong pagliluhan ng anak mong ibig!)


282
"Hindi katoto ko't si Laura'y di taksil,
aywan ko kung ano't lumimot sa akin!
ang palad ko'y siyang alipusta't linsil,
di laang magtamo ng tuwa sa giliw.


283
"(Makakapit kaya ang gawang magsukab
sa pinakayaman ng langit sa dilag?
kagandaha'y bakit di makapagkalag
ng pagkakapatid sa maglilong lakad?)


284
"(Kung nalalagay ka, ang mamatuwirin,
sa laot ng madlang sukat ipagtaksil,
dili ang dangal mong dapat na lingapin,
mahigit sa walang kagandaha't ningning?)


285
"(Ito ay hamak pa bagang sumansala
ng karupukan mo at gawing masama,
kung ano ang taas ng pagkadakila,
siya ring lagapak naman kung marapa.)


286
"O bunying gererong naawa sa akin,
pagsilang na iyong nabagong bituin,
sa pagkakita ko'y sabay ang paggiliw,
inagaw ang pusong sa ina ko'y hain.


287
"Anupa't ang luhang sa mata'y nanagos
nang pagkaulila sa ina kong irog,
natungkol sa sinta't puso'y nangilabot,
baka di marapat sa gayong alindog.


288
"Hindi ko makita ang patas na wika
sa kaguluhan ko't pagkawalang-diwa,
nang makiumpok na'y ang aking salita,
anhin mang tuwiran ay nagkakalisya.


289
"Nang malutas yaong pagsasalitaan
ay wala na akong kamaharlikahan;
kaluluwa'y gulo't puso'y nadadarang
sa ningas ng sintang bago kong natikman.


290
"Tatlong araw noong piniging ng hari
sa palasyo real na sa yama't bunyi
ay di nakausap ang punong pighati
na inaasahang iluluwalhati.


291
"Dito ko natikman ang lalong hinagpis,
higit sa dalitang naunang tiniis;
at binulaan ko ang lahat ng sakit
kung sa kahirapan mula sa pag-ibig.


292
"Salamat at noong sa kinabukasan,
hukbo ko'y lalakad sa Krotonang Bayan,
sandaling pinalad na nakapanayam
ang prinsesang bumihag niring katauhan.


293
"Ipinahayag ko ng wikang mairog,
ng buntunghininga, luha at himutok,
ang matinding sintang ikinalulunod
magpahanggang ngayon ng buhay kong kapos.


294

"Ang pusong matibay ng himalang dikit,
nahambal sa aking malumbay na hibik;
dangan ang kaniyang katutubong bait
ay humadlang disin sinta ko'y nabihis.


295
"Nguni't kung oo'y di man binitiwan,
naliwanagan din sintang nadirimlan;
at sa pagpanaw ko ay pinabaunan
ng may hiyang perlas na sa mata'y nukal.


296
"Dumating ang bukas ng aking pag-alis,
sino ang sasayod ng bumugsong sakit?
dini sa puso ko'y alin ang hinagpis
na hindi nagtimo ng kaniyang kalis?


297
"May sakit pa kayang lalalo ng tindi
na ang sumisinta'y mawalay sa kasi?
guniguni lamang di na ang mangyari,
sukat ikalugmok ng pusong bayani.


298
"(O, nangag-aalay ng mabangong suob
sa dakilang altar ni kupidong diyos,
sa dusa ko'y kayo ang nakatatarok
noong maulila sa Laura kong irog!)"


Ang Pakikipagsapalaran ni Florante


299
"At kung hindi luhang pabaon sa akin,
namatay na muna bago ko naatim;
dusang di lumikat hanggang sa dumating
sa Bayang Krotonang kubkob ng hilahil.


300

"Kuta'y lulugso na sa bayong madalas
ng mga makinang talagang pangwalat,
siyang paglusob ko't ng hukbong akibat,
ginipit ang digmang kumubkob sa syudad.


301
"Dito'y ang masidhing lubhang kamatayan
at Parkas Atropos ay nagdamdam-pagal
sa paggapas nila't pagkitil ng buhay
ng naghihingalong sa dugo'y naglutang.


302
"Makita ng piling Heneral Osmalic
ang aking marahaas na pamimiyapis,
pitong susong hanay na dulo ng kalis,
winahi ng tabak nang ako'y masapit.


303
"Sa kaliwa't kanan niya'y nalaglag
mga soldados kong pawang mararahas;
lumapit sa aking mata'y nagniningas,
Halika, aniya't kita ang maglamas.


304
"Limang oras kaming hindi naghiwalay,
hanggang sa nahapo ang bato ng tapang;
nagluksa ang langit nang aking mapatay...
habag sa gererong sa mundo'y tinakpan.


305
"Siya nang pagsilid ng pangingilabot
sa kalabang hukbong parag sinasalot
ng pamuksang tabak na Minandrong bantog...
ang kampo't biktorya'y napa-aming lubos.


306
"Tagumpay na ito'y pumawi ng lumbay
ng mga nakubkob ng kasakunaan;
panganib sa puso'y naging katuwaan,
ang pinto ng syudad pagdaka'y nabuksan.


307

"Sinalubong kami ng haring dakila,
kasama ang buong bayang natimawa;
ang pasasalamat ay di maapula
sa di magkawastong nagpupuring dila.


308
"Yaong bayang hapo't bagong nakatighaw
sa nagbalang bangis ng mga kaaway,
sa pagkatimawa ay nag-aagawang,
malapit sa aki't damit ko'y mahagkan.


309
"Sa lakas ng hiyaw ng Pamang matabil,
vivang dugtung-dugtong ay nakikisaliw;
ang gulong salamat, nagtanggol sa amin--
dininig sa langit ng mga bituin.


310
"Lalo ang tuwa nang ako'y matatap
na apo ng hari nilang nililiyag;
ang monarko nama'y di-munti ang galak,
luha ang nagsabi ng ligayang ganap.


311
"Nagsiakyat kami sa palasyong bantog
at nangapahinga ang soldadong pagod;
datapwa't ang baya'y tatlong araw halos
na nakalimutan ang gawaing pagtulog.


312
"Sa ligaya namin ng nuno kong hari,
nakapagitan din ang lilong pighati;
at ang pagkamatay ng ina kong pili,
malaon nang lanta'y nanariwang muli.


313
"Dito naniwala ang bata kong loob
na sa mundo'y walang katuwaang lubos;
sa minsang ligaya't tali nang nakasunod--
makapitong lumbay o hanggang matapos.


314
"Naging limang buwan ako sa Krotona
nagpilit bumalik sa Reynong Albanya;
di sinong susumang sa akay ng sinta
kung ang tinutungo'y lalo't isang Laura?


315
"Sa gayong katulin ng aming paglakad,
naiinip ako't ang nasa'y lumipad;
aba't nang matanaw ang muog ng syudad,
kumutob sa aking puso'y lalong hirap!


316
"Kaya pala gayo'y ang nawawagayway
sa kuta'y hindi na bandilang binyagan,
kundi Medialuna't reyno'y nasalakay
ni Alading salot ng pasuking bayan.


317
"Ang akay kong hukbo'y kusang pinahimpil
sa paa ng isang bundok na mabangin,
di kaginsa-ginsa'y natanawan namin,
pulutong ng Morong lakad ay mahinhin.


318
"Isang binibini ang gapos na taglay
na sa damdam nami'y tangkang pupugutan;
ang puso ko'y lalong naipit ng lumbay
sa gunitang baka si Laura kong buhay.


319
"Kaya di napigil ang akay ng loob
at ang mga Moro'y bigla kong nilusob;
palad nang tumakbo at hindi natapos
sa aking pamuksang kalis na may poot!


320
"Nang wala na akong pagbuntunang galit,
sa di makakibong gapos ay lumapit;
ang takip sa mukha'y nang aking ialis,
aba ko't si Laura! may lalo pang sakit?


321
"Pupugutan dahil sa hindi pagtanggap
sa sintang mahalay ng Emir sa syudad;
nang mag-asal hayop ang Morong pangahas,
tinampal sa mukha ng himalang dilag.


322
"Aking dali-daling kinalag sa kamay
ang lubid na walang awa at pitagan;
mga daliri ko'y naalang-alang
marampi sa balat na kagalang-galang.


323
"Dito nakatanggap ng lunas na titig
ang nagdaralitang puso sa pag-ibig;
araw ng ligayang una kong pagdinig
ng sintang Florante sa kay Laurang bibig.


324
"Nang aking matantong nasa bilangguan
ang bunying monarka't ang ama kong hirang;
nag-utos sa hukbo't aming sinalakay
hanggang di mabawi ang Albanyang Bayan.


325
"Pagpasok na namin sa loob ng reyno,
bilanggua'y siyang una kong tinungo;
hinango ang hari't ang dukeng ama ko
sa kaginooha'y isa si Adolfo.


326
"Labis ang ligayang kinamtan ng hari
at ng natimawang kamahalang pili;
si Adolfo lamang ang nagdalamhati,
sa kapurihan kong tinamo ang sanhi.


327
"Pangimbulo niya'y lalo nang nag-alab
nang ako'y tawaging Tanggulan ng Syudad,
at ipinagdiwang ng haring mataas
sa palasyo real nang lubos na galak.


328
"Saka nahalatang ako'y minamahal
ng pinag-uusig niyang karikitan;
ang Konde Adolfo'y nagpapakamatay--
dahil sa Korona't--kay Laura'y makasal."


Ang Patibong ni Adolfo at Ang Kasaysayan ni Aladin


329
"Lumago ang binhing mula sa Atenas
ipinunlang nasang ako'y ipahamak;
kay Adolfo'y walang bagay na masaklap,
para ng buhay kong hindi nauutas.


330
"Di nag-ilang buwan ang sa reynong tuwa
at pasasalamat sa pagkatimawa,
dumating ang isang hukbong maninira
na taga-Turkiyang masakim na lubha.


331
"Dito ang panganib at pag-iiyakan
ng bagong nahugot sa dalitang bayan,
lalo na si Laura't ang kapangambahan
ang ako ay sam-ing palad sa patayan.


332
"Sapagkat heneral akong iniatas
ng hari sa hukbong sa Moro'y lalabas;
nag-uli ang loob ng bayang nasindak,
puso ni Adolfo'y parang nakamandag.


333
"Niloob ng Langit na aking nasupil
ang hukbo ng bantog na si Miramolin;
siyang mulang araw na ikinalagim
sa Reynong Albanya ng Turkong masakim.


334
"Bukod dito'y madlang digma ng kaaway
ang sunod-sunod kong pinagtagumpayan;
anupa't sa aking kalis na matapang,
labimpitong hari ang nangagsigalang.


335
"Isang araw akong bagong nagbiktorya
sa Etolyang Syudad na kusang binaka,
tumanggap ng sulat ng aking monarka,
mahigpit na biling umuwi sa Albanya.


336
"At ang pamamamahala sa dala kong hukbo,
ipinagtiwalang iwan kay Minandro;
noon di'y tumulak sa Etolyang Reyno,
pagsunod sa hari't Albanya'y tinungo.


337
"Nang dumating ako'y gabing kadiliman,
pumasok sa reynong walang agam-agam;
pagdaka'y kinubkob... (laking kaliluhan!)
ng may tatlumpong libong sandatahan.


338
"Di binigyang-daan akin pang mabunot
ang sakbat na kalis at makapamook;
buong katawan ko'y binidbid ng gapos,
piniit sa karsel na katakut-takot.


339
"Sabihin ang aking pamamangha't lumbay,
lalo nang matantong monarka'y pinatay
ng Konde Adolfo't kusang idinamay
ang ama kong irog na mapagpalayaw.


340
"Ang nasang yumama't haring mapatanyag
at uhaw sa aking dugo ang yumakag
sa puso ng konde sa gawang magsukab...
(O, napakarawal na Albanyang Syudad!)


341
"(Mahigpit kang aba sa mapagpunuan
ng hangal na puno at masamang asal,
sapagka't ang haring may hangad sa yaman
ay mariing hampas ng Langit sa bayan.)


342
"Ako'y lalong aba't dinaya ng ibig,
may kahirapan pang para ng marinig
na ang prinsesa ko'y nangakong mahigpit
pakasal sa Konde Adolfong balawis?


343
"Ito ang nagkalat ng lasong masidhi
sa ugat ng aking pusong mapighati
at pinagnasaang buhay ko'y madali
sa pinanggalingang walang magsauli.


344
"Sa pagkabilanggong labingwalong araw,
naiinip ako ng di pagkamatay;
gabi nang hangui't ipinagtuluyan
sa gubat na ito't kusang ipinugal.


345
"Bilang makalawang maligid ni Pebo
ang sandaigdigan sa pagkagapos ko,
nang inaakalang nasa ibang mundo,
imulat ang mata'y nasa kandungan mo.


346
"Ito ang buhay kong silu-silong sakit
at hindi pa tanto ang huling sasapit..."
mahabang salita ay dito napatid,
ang gerero naman ang siyang nagsulit.


347
"Ang pagkabuhay mo'y yamang natalastas,
tantuin mo naman ngayon ang kausap;
ako ang Aladin sa Persyang Syudad,
anak ng balitang Sultang Ali-Adab.


348
"Sa pagbatis niring mapait na luha,
ang pagkabuhay ko'y sukat mahalata...
(Ay, ama ko! bakit...? Ay, Fleridang tuwa!)
katoto'y bayaang ako'y mapayapa.


349
"Magsama na kitang sa luha'y maagnas,
yamang pinag-isa ng masamang palad;
sa gubat na ito'y hintayin ang wakas
ng pagkabuhay tang nalipos na hirap."


350
Hindi na inulit ni Florante naman,
luha ni Aladi'y pinaibayuhan;
tumahan sa gubat na may limang buwan,
nang isang umaga'y naganyak maglibang.


351
Kanilang nilibot ang loob ng gubat,
kahit bahagya nang makakitang landas;
dito sinalita ni Alading hayag
ang kanyang buhay na kahabag-habag.


352
Aniya'y "Sa madlang gyerang dinaanan,
di ako naghirap ng pakikilaban
para nang bakahin ang pusong matibay
ni Fleridang irog na tinatangisan.


353
"Kung nakikiumpok sa madlang prinsesa'y,
si Diana'y sa gitna ng maraming Nimpa,
kaya't kung tawagin sa Reynong Persya,
isa si Houris ng mga propeta.


354

"Anupa't pinalad na aking dinaig
sa katiyagaan ang pusong matipid;
at pagkakaisa ng dalawang dibdib
pagsinta ni ama'y nabuyong gumiit.


355
"Dito na minulan ang pagpapahirap
sa aki'y ninasang buhay ko'y mautas;
at nang magbiktorya sa Albanyang Syudad,
pagdating sa Persya'y binilanggo agad.


356
"At ang ibinuhat na kasalanan ko,
di pa utos niya'y iniwan ang hukbo;
at nang mabalitaang reyno'y nabawi mo,
noo'y hinatulang pupugutan ng ulo.


357
"Nang gabing malungkot na kinabukasan,
wakas na tadhanang ako'y pupugutan,
sa karsel ay nasok ang isang heneral,
dala ang patawad na lalong pamatay.


358
"Tadhanang mahigpit ay malis pagdaka,
huwag mabukasan sa Reyno ng Persya;
sa munting pagsuway-buhay ko ang dusa...
sinunod ko't utos ng hari ko't ama.


359
"Nguni't sa puso ko'y matamis pang lubha
na tuloy nakitil ang hiningang aba,
huwag ang may buhay na nagugunita--
iba ang may kandong sa langit ko't tuwa.


360
"May anim na ngayong taong walang likat
nang nilibut-libot na kasama'y hirap..."
napatigil dito't sila'y may namatyag--
nagsasalitaan sa loob ng gubat.


Kasaysayan ni Flerida


361
Napakinggan nila'y ganitong saysay
"nang aking matatap na papupugutan
ang abang sinta kong nasa bilangguan
nagdapa sa yapak ng haring sukaban.


362
"Inihinging-tawad ng luha at daing
ang kaniyang anak na mutya ko't giliw;
ang sagot ay kundi kusa kong tanggapin
ang pagsinta niya'y di patatawarin.


363
"Anong gagawin ko sa ganitong bagay?
ang sinta ko kaya'y bayaang mamatay?
napahinuhod na ako't nang mabuhay
ang prinsipeng irog na kahambal-hambal!


364
"Ang di nabalinong matibay kong dibdib
ng suyo ng hari, bala at paghibik,
naglambot na kusa't humain sa sakit
at nang mailigtas ang buhay ng ibig.


365
"Sa tuwa ng hari, pinawalan agad
ang dahil ng aking luhang pumapatak;
datapwa't tadhanang umalis sa syudad
at sa ibang lupa'y kusang mawakawak.


366
"Pumanaw sa Persya ang irog ko't buhay
na hindi man kami nagkasalitaan;
tingni kung may luha akong ibubukal
na maitutumbas sa dusa kong taglay!


367

"Nang iginagayak sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko,
aking naakalang magdamit-gerero
at kusang nagtanan sa real palasyo.


368
"Isang hatinggabi kadilima'y lubha,
lihim na naghugos ako sa bintana;
walang kinasama kung hindi ang nasa--
matunton ang sinta kung nasaang lupa.


369
"May ilan nang taon akong naglagalag
na pinapalasyo ang bundok at gubat;
dumating nga rito't kita'y nailigtas
sa masamang nasa niyong taong sukab..."


370
Salita'y nahinto sa biglang pagdating
ng Duke Florante't Prinsipe Aladin;
na pagkakilala sa boses ng giliw,
ang gawi ng puso'y di mapigil-pigil.


371
Aling dila kaya ang makasasayod
ng tuwang kinamtan ng magkasing irog?
sa hiya ng sakit sa lupa'y lumubog,
dala ang kaniyang naputol na tunod.


372
Saan kalangitan napaakyat kaya
ang aking Florante sa tinamong tuwa;
ngayong tumititig sa ligayang mukha
ng kaniyang Laurang ninanasa-nasa?


373
Anupa nga't yaong gubat na malungkot,
sa apat ay naging paraiso't lugod;
makailang hintong kanilang nilimot
na may hininga pang sukat na malagot.


374

Sigabo ng tuwa'y nang dumalang-dalang,
dininig ng tatlo ang kay Laurang buhay;
nasapit sa reyno mula nang pumanaw
ang sintang nanggubat; ganito ang saysay...


Katapusan ng Florante at Laura


375
"Di lubhang nalaon noong pag-alis mo,
O, sintang Florante sa Albanyong Reyno,
narinig sa baya'y isang piping gulo
na umalingawngaw hanggang sa palasyo.


376
"Ngunit di mangyaring mawatas-watasan
ang bakit at hulo ng bulung-bulungan;
parang isang sakit na mahulaan
ng medikong pantas ang dahil at saan.


377
"Di kaginsa-ginsa, palasyo'y nakubkob
ng magulong baya't baluting soldados;
(O, araw na lubhang kakila-kilabot!
araw na sinumpa ng galit ng Diyos!)


378
"Sigawang malakas niyong bayang gulo:
'mamatay, mamatay ang Haring Linceo
na nagmunakalang gutumin ang reyno't
lagyan ng estangke ang kakani't trigo.'


379
"Ito'y kay Adolfong kagagawang lahat
at nang magkagulo yaong bayang bulag;
sa ngalan ng hari ay isinambulat
gayong ordeng mula sa dibdib na sukab.


380

"Noon di'y hinugot sa tronong luklukan
ang ama kong hari at pinapugutan;
may matuwid bagang makapanlulumay
sa sukab na puso't nagugulong bayan?


381
"Sa araw ring yao'y naputlan ng ulo
ang tapat na loob na mga konseho;
at hindi pumurol ang tabak ng lilo
hanggang may mabait na mahal sa reyno.


382
"Umakyat sa trono ang kondeng malupit
at pinagbalaan ako nang mahigpit,
na kung di tumanggap sa haing pag-ibig,
dustang kamataya'y aking masasapit.


383
"Sa pagnanasa kong siya'y magantihan
at sulatan kita sa Etolyang Bayan,
pinilit ang pusong huwag ipamalay
sa lilo-ang aking kaayawa't suklam.


384
"Limang buwang singkad ang hininging taning,
ang kaniyang sinta'y bago ko tanggapin;
ngunit ipinasyang tunay sa panimdim
ang magpatiwakal kundi ka dumating.


385
"Niyari ang sulat at ibinigay ko
sa tapat na lingkod nang dalhin sa iyo;
di nag-isang buwa'y siyang pagdating mo't
nahulog sa kamay ni Adolfong lilo.


386
"Sa takot sa iyo niyong palamara
kung ikaw'y magbalik na may hukbong dala,
nang mag-isang muwi ay pinadalhan ka
ng may selyong sulat at sa haring pirma.


387

"Matanto ko ito'y sa malaking lumbay
gayak na ang puso na magpatiwakal
ay siyang pagdating ni Minandro naman,
kinubkob ng hukbo ang Albanyong Bayan.


388
"Sa banta ko'y siyang tantong nakatanggap
ng sa iyo'y aking padalang kalatas,
kaya't nang dumating sa Albanyang Syudad,
lobong nagugutom ang kahalintulad.


389
"Nang walang magawa ang Konde Adolfo
ay kusang tumawag ng kapuwa lilo;
dumating ang gabi umalis sa reyno
at ako'y dinalang gapos sa kabayo.


390
"Kapagdating dito ako'y dinadahas
at ibig ilugso ang puri kong ingat;
mana'y isang tunod na kung saan buhat,
pumako sa dibdib ni Adolfong sukab..."


391
Sagot Flerida: "Nang dito'y sumapit
ay may napakinggang binibining boses
na pakiramdam ko'y binibigyang-sakit,
nahambal ang aking mahabaging dibdib.


392
"Nang paghanapin ko'y ikaw ang nataos,
pinipilit niyong taong balakiyot;
hindi ko nabata't bininit sa busog
ang isang palasong sa lilo'y tumapos..."


393
Di pa napapatid itong pangungusap,
si Minandro'y siyang pagdating sa gubat;
dala'y ehersito't si Adolfong hanap,
nakita'y katoto... laking tuwa't galak!


394
Yaong ehersitong mula sa Etolya,
ang unang nawika sa gayong ligaya:
"Biba si Floranteng Hari sa Albanya...
Mabuhay, mabuhay ang Prinsesa Laura!"


395
Dinala sa reynong ipinagdiriwang
sampu ni Aladi't ni Fleridang hirang,
kapuwa tumanggap na mangabinyagan;
magkakasing sinta'y naraos nakasal.


396
Namatay sa bunying Sultan Ali-Adab,
nuwi si Aladin sa Persyang Syudad;
ang Duke Florante sa trono'y naakyat
sa siping ni Laurang minumutyang liyag.


397
Sa pamamahala nitong bagong hari,
sa kapayapaan ang reyno'y nauwi;
dito nakabangon ang nalulugami
at napasatuwa ang nagpipighati.


398
Kaya nga'y nagtaas ang kamay sa langit,
sa pasasalamat sa bayang tangkilik;
ang hari't ang reyna'y walang naiisip
kundi ang magsabog ng awa sa kabig.


399
Nagkasama silang lubhang mahinusay
hanggang sa nasapit ang payapang bayan...
(Tigil, aking Musa't kusa kang lumagay
sa yapak ni SELYA'T dalhin yaring Ay!... AY!)